Saturday, December 11, 2010

OFWs sa Saudi Arabia mabibisita ni Binay bago matapos ang 2010

JEDDAH – Inaasahang darating sa Saudi Arabia sa kalagitnaan ng Disyembre si Vice President Jejomar Binay upang dumalo sa selebrasyon ng Month of OFWs (Overseas Filipino workers).

Ito ang ibinalita ni Boy Cornejo, chairman ng Kapulungan ng mga Samahang Pilipino (KASAPI Congress), na nag-imbita kay Binay, itinalagang presidential adviser on OFWs.

“Masaya po kami. Sulit ang pagsisikap ng ating mga kasama na maimbitahan ang pangalawang pangulo lalo na sa pagpunta ng aming dating chairman na si Jauhari Usman ng Pilipinas para personal na maimbitahan si Binay," pahayag ni Cornejo.

Ayon kay Philippine Charge d' Affaires (CDA) Ezzedin Tago, unang pupuntahan ni Binay ang Riyadh bago ito tutulak sa Jeddah.

Dahil dito, inihahanda nang KASAPI ang forum upang maiparating kay Binay ang mga problema ng mga OFWs at makahingi ng tulong para sa kapakinabangan ng mga migranteng manggagawa. 

Una rito, umaasa ang mga lider ng Pinoy communities sa KSA na ito ang unang bansa na mabibisita ni Binay para makausap ang mga OFW.

Ngunit kamakailan lang ay nagpaabot ng imbitasyon ang China kay Binay na dumalo sa pagbubukas ng Asian Para Games sa Guangzhou sa Disyembre 12.

"I deeply appreciate the invitation from the Chinese government and I look forward to personally extending my thanks to their officials during the opening ceremonies. I also look forward to the chance to cheer for our Filipino athletes," ayon sa pangalawang pangulo.

Bukod sa pagdalo sa Para Games, sinabi ni Binay na posibleng makipag-usap din siya sa mga OFWs sa China at talakayin ang lumalalang problema ng illegal recruitment at tumataas na bilang ng mga Pinoy “drug mule" o nagpapasok ng illegal na droga kapalit ng pera o ‘di kaya ay nalinlang lamang.

“Magtulungan tayo. Lubos akong nalulungkot dahil madalas, ang mga biktima mismo ang ayaw magtuloy ng kaso laban sa mga illegal recruiters. Dito kailangang magtulungan ang gobyerno at ang mga OFWs," pahayag ni Binay.

Sa KSA, inihahanda naman ng mga organisasyon ng Pinoy ang pinakamalaking reunion ng mga OFW doon na tinawag nilang “KITAKITS" na isa sa mga maaaring daluhan ni Binay. 

“Sinabihan po ako ng ating bise presidente na siya ay darating para tayo makasama ngayong buwan kaya isang napakalaking tagumpay para sa ating mga kapwa OFW sa Saudi," ayon kay Usman – Ronald Concha, GMANews.TV

No comments:

Post a Comment