MANILA – Nanawagan sa pamahalaan ang isang kongresista na kaagad kumilos upang maibalik na sa Pilipinas ang libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) na namamalagi sa mga temporary shelter sa Saudi Arabia.
Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Coop-NATCCO party-list Rep. Cresente Paez, na bagaman nasa mga temporary shelter, marami sa mga OFW ang nagdurusa pa rin at nangangailangan ng tulong katulad ng mga naninirahan sa ilalim ng Khandara Bridge sa Jeddah.
Kabilang si Paez sa four-man House contingent na bumisita kamakailan sa Riyadh, Jeddah at Al Khobar sa Saudi Arabia, kung saan personal nilang nadinig ang pakiusap ng mga distressed OFWs na tulungan silang makauwi na sa Pilipinas. (Basahin: Kongresista nagulat sa kalagayan ng mga distressed OFW sa KSA)
Batay umano sa talaan ng OFW group na Migrante International, tinatayang 3,000 runaway OFWs ang namamalagi sa iba’t ibang temporary shelter sa KSA.
Habang nasa KSA, sinabi ni Paez na nakilala niya ang magkapatid na babae na biktima ng human trafficking at pang-aabuso ng kanilang amo sa Saudi Arabia.
Kuwento umano ng magkapatid, ni-recruit sila ng isang agency sa Manila at pinangakuang ipapasok ng trabaho sa beauty salon sa Saudi Arabia.
Ngunit pagdating nabanggit na bansa, katulong ang trabaho na kanilang binagsakan at ilang ulit pa silang hinalay ng kanilang amo bago sila “nasagip."
“One of them told us that one was even raped on the day that they were rescued," ayon kay Paez.
Patuloy din umanong dumadami ang mga OFW sa Saudi Arabia batay sa natatanggap na impormasyon mula sa Philippine consulate at non-governmental groups na tumutulong sa mga distressed migrant workers.
Ngunit kahit maiuwi na sa bansa, sinabi ng kongresista na kailangang ipagpatuloy ang pagtulong sa mga OFW na nangangailangan ng counseling at psychological treatment.
“Those who were physically abused should undergo medical treatment until they are ready to be integrated into the mainstream of society," paliwanag niya.
Nakahanda rin umano ang grupo ni Paez na tulungan ang mga makababalik na OFWs para makapagsimula sa Pilipinas katulad ng pagnenegosyo kahit maliit lamang.
“Our plan is to give them technical assistance like training on how to put up their own cooperatives so that they will become owners and managers of their own businesses," aniya.
Nakikipag-ugnayan na umano siya sa mga taong nasa likod ng mga matagumpay na kooperatiba ng itinayo ng Pinoy hairdresser na si Ricky Reyes. - GMANews.TV
No comments:
Post a Comment