Tuesday, January 11, 2011

Proyekto para makatulong sa mga nagigipit na OFW, inilunsad sa Jeddah

JEDDAH – Isang mag-asawang overseas Filipino worker (OFW) na naghihirap ngayon sa lugar na ito ang unang mabibiyaan ng tulong sa bagong programa ng mga kapwa Pinoy.

Inilunsad noong nakaraang linggo ng Kaagapay Mo Advocacy Movement at ng kumpanya sa produktong “Fruits in Ice Cream," ang proyektong Kaagapay Mo OFW na naglalayong tumulong sa mga nagigipit na kababayan.

Ayon kay Jamman Al Zahrani, general manager ng kumpanyang nasa likod ng Fruits in Ice Cream, ang naturang produkto ay gawa ng mga Pinoy na matagumpay niyang nadala sa Kingdom of Saudi Arabia.

Ang pakikibahagi umano sa proyekto ng Kaagapay ay isang paraan ng pagbabalik at pagbabahagi ng kanilang tagumpay sa mga nangangailangang Pinoy doon.

Unang mabiyayaan ng proyekto ay ang mag-asawang nakilala na lamang sa pangalang Mike at Nurhata. Ang kuwento ng mag-asawa ay minsan nang naipakita sa OFW Diariesng GMA 7.

Si Nurhata ay nagkaroon ng sakit sa pag-iisip matapos dapuan ng matinding depresiyon makaraang manganak.

Ayon kay Al- Zahrani, ang bawat takip ng kanilang produktong ice cream na malilikom ng Kaagapay ay magiging katumbas ng pinansiyal na tulong sa nangangailangang OFW.

Ikinatuwa naman ng mga opisyal ng Kaagapay sa naging bunga ng kanilang pakikipag-usap sa grupo ni Al Zahrani. Mapalad umano ang mga Pinoy sa nakukuhang suporta mula sa ibang lahi.

Noong nakaraang taon ay nagkaloob din si Al Zahrani ng mga higaan sa mga distressed OFWs na nasa pangangalaga ng Philippine Consulate nang ilipat ang mga ito bago nilang tutuluyan.

Hiningi ng Kaagapay suporta ng mga Pinoy sa KSA sa pagdonate ng takip ng nabanggit na ice cream para makatulong sa mga nangangailangang kababayan.

Katuwang sa naturang proyekto ang iba’t ibang mga organisasyon sa Jeddah tulad ng Kapit-Bisig OFW, Overseas Filipino Workers Cooperative Council (OFWCC), Al-Shatira Restaurant, Filipino Artiste Migrant Ensemble (FAME), 1GANAP Guardians (Arabian Scorpions Chapter), Pinoy Basketball League at Philippine National Bank, na ang opisina ay nasa loob ng Telemoney sa Ballad.

Ang makakalap na mga takip ay maaaring dalhin sa tanggapan ng mga nabanggit na organisasyon.

Sinabi ni Allan Mirasol, isa sa mga tumutulong sa proyekto, na marami pa silang nais gawin para sa kapakanan ng mga OFW.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mike sa tulong na ipagkakaloob sa kanilang mag-asawa. Nais nitong maipagamot si Nurhata para makauwi na umano sa Pilipinas kasama ang kanilang anak. - Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV

No comments:

Post a Comment